top of page

THE HARBINGER

THE OFFICIAL STUDENT PUBLICATION
LIMAY SENIOR HIGH SCHOOL
  • Facebook
  • YouTube

Limay LGU, patuloy ang pagpapaunlad ng mga pasilidad sa Limay SHS

Mark Rainier S. Pador


Taliwas sa negatibo at nangangambang isipan ng nakakarami ngayong panahon ng pandemya, malaking hakbang naman tungo sa pag-unlad sa larangan ng edukasyon ang itinaguyod ng Pamahalaang Bayan ng Limay matapos ang mga pisikal at pang-imprastrakturang pagpapaayos na isinagawa sa Limay Senior High School ngayong Taong Panuruan 2020-2021, bukod pa sa mga nakaplanong mga proyektong isasakatuparan sa paaralan.


Mula entrada ng paaralan ay makikita na ang mga isinagawang pagbabago dahil sa pagkakaroon ng eskwelahan ng sariling gate na matatagpuan ilang metro lang mula sa gawing kaliwa ng Roman Highway gate ng Limay National High School.


Kasabay ng konstruksyon ng sariling gate ng paaralan ay ang paggawa ng konkretong daanan mula sa nasabing tarangkahan, babagtas sa likuran ng JICA rooms ng Limay NHS hanggang makarating sa mga gusali ng ICT at STEM ng LSHS .


Ininspeksiyon ang mga nabanggit na pagawain ni Engr. Roy Flores, Municipal Engineer ng Limay, noong ika-04 ng Disyembre 2020 bilang hudyat ng pagkakakumpleto ng proyekto.


Binuksan ang sariling tarangkahan at daanan ng Limay SHS sa publiko noong ika-11 ng Pebrero, kasabay ng nakatakdang bigayan ng mga modyul at saulian ng mga sagutang papel ng mga mag-aaral.


Ang opisina ng pangasiwaan ng eskwelahan ay nagkaroon ng pagbabago matapos palitan ang dating konkretong sahig ng granite na sinimulan noong Disyembre 8 at nakumpleto sa loob ng isang linggo.



Halos kasabay nito ay ang pagpapalagay rin ng granite sa sahig ng Information Hub ng paaralan na sinimulang gawin noong Disyembre 17, 2020.


Sinundan naman ito kaagad ng pagpapaayos ng opisina ng paaralan sa pamamagitan ng pagpapalagay ng mga dibisyon o cubicles ng bawat kawani at ng mga bumubuo sa pamunuan ng Limay SHS.


Inumpisahan itong gawin noong Disyembre 21 at nasimulan nang magamit noong unang linggo ng Enero.



Ayon kay Mr. Reynaldo Visda, punong guro ng Limay SHS, marami pang plano o proyekto ang naghihintay para sa eskwelahan sa hinaharap gaya ng pagkakaroon ng sariling covered court na naaprubahan na ng Pamahalaang Bayan, ang pagkakaroon ng mga dibisyon sa mga silid ng Admin-TVL building, at ang paglalagay ng mga electrical transformers para sa sariling daluyan ng kuryente ng paaralan.


Isa rin sa mga malalaking plano para sa Limay SHS ang paglalagay ng mga solar panels bilang pagkukunan ng sariling suplay ng enerhiya at elektrisidad ng paaralan.


Kamakailan ay naparangalan ng DepEd-Region III ang Pamahalaang Bayan ng Limay, sa pamumuno ng alkalde nitong si Nelson C. David, dahil isa ito sa may malaking inilaang halaga para sa mga proyektong pang-edukasyon noong Brigada Eskwela 2020.




28 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


bottom of page