top of page

THE HARBINGER

THE OFFICIAL STUDENT PUBLICATION
LIMAY SENIOR HIGH SCHOOL
  • Facebook
  • YouTube

Kaguruan, mga mag-aaral ng Limay, tatanggap ng libreng Anti-Flu Vaccine

Writer's picture: Mark Rainier S. PadorMark Rainier S. Pador


Dahil sa patuloy na sinusubok ng pandemya ang maraming bayan at lugar sa buong daigdig, naglunsad ang Pamahalaang Bayan ng Limay, sa pakikipagtulungan ng Department of Education-Limay Annex, ng programang "Vacc To School" o pagkakaloob ng libreng bakuna kontra influenza sa lahat ng mga mag-aaral at guro sa mga paaralang nasasakupan ng naturang bayan, Agosto 30.


Sa pamumuno ng Punong Bayan nito na si Nelson C. David, katuwang ang lahat ng bumubuo ng Local School Board, mapagkakalooban ng proteksyon laban sa ilang mga sakit at sa virus ang mga guro at mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 12.


Ang libreng flu vaccine ay nakalaan din para sa mga kawaning bumubuo sa mga paaralan, kagaya ng mga punong guro, mga pinuno ng mga departamento, registrar, tagapagtuos at mga clerk.


Hiling naman ng alkalde ang suporta ng mga mamamayan, lalung-lalo na ng mga magulang ng bawat mag aaral, sa programang pangkalusugan inilunsad sa pamamagitan ng kanyang liderato.


"Ito pong flu vaccine ay napaka-halagang bagay at magiging tulong sa ating mag aaral na maligtas sa flu...na tulong para po maprotektahan ang ating mga anak" ani ni Mayor David.


"Hinihikayat ko po ang lahat ng mga bata at magulang na magkaroon sila ng flu vaccine nang sa gayo'y maging dalawa ang proteksyon ng kalusugan [na] panlaban natin sa COVID..." dagdag pa ng butihing ama ng Limay.


Isa rin sa nais makamtan ng naturang bakuna ang pag-asa sa muling pagbubukas ng mga paaralan at ituloy ang nakaugaliang tradisyon na face to face classes.


"Dalangin natin na sana itong taong ito magkaroon ng pag-asa ang ating mag-aaral na magkaroon ng face to face [classes] nang sa ganon, maganda para sa ating mag-aaral na mas matuto, " sambit ng punong bayan.


Binigyang kasagutan naman ni Municipal Health Officer Dra. Merly Diaz Sta. Ana ang mga agam-agam at pag-aalinlangan ng mga magulang sa nasabing flu vaccine.

"Ang flu vaccine po ay hindi bakuna kontra COVID. Ang flu vaccine ay bakuna laban sa trangkaso para maiwasan ang pagkakasakit at nang hindi agad mahawa ng COVID dahil sa pagbaba ng immune system kapag may sakit", paglilinaw ni Dra. Sta. Ana.





Sa pagsasaliksik ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Amerika, ang mga benepisyo ng bakuna kontra flu ay di lamang para maiwasang magkasakit nito, bagkus ay binabawasan nito ang pagkakaospital ng bakunado kung tinamaan ng flu virus, iniaadya nito sa ang tao sa malubhang kalagayan dulot ng naturang sakit at proteksyon laban sa mga kumplikasyon para sa mga taong may chronic o may matagal nang iniindang ibang karamdaman.


Ayon pa rin sa pag-aaral ng CDC noong 2017, mataas ang kakayahan ng nasabing bakuna na maiwasan ang kamatayan sa mga bata na tinamaan ng flu virus.

55 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page