Pinatunayan na naman ng Limay Senior High na kayang kaya nitong makipagsabayan sa iba’t ibang mga paaralan, hindi lamang pandibisyon, kundi sa antas ng pambansang patimpalak sapagkat dalawa sa mga mag-aaral nito ang nakalusot sa finals ng 1st Nationwide Quizalize Bee na isinagawa noong ika-30 ng Abril, sa pamamagitan ng Zoom.
Sa pang-apat na round ng kompetisyon, nasungkit ni Adrian Lanting ang unang posisyon, habang si Tyron Gerald Luna naman ay naupo sa ikasampu, sapat upang selyuhan ang kanilang kuwalipikasyon sa championship round.
"Sa round 1 na excite ako dahil iyon ang unang laban at maraming studyante ang kalahok. Ginawa ko lang yung makakaya ko at mga natutunan ko sa aming pagsasanay sa tulong ng aming coach. Sa final round, labis yung kaba ko dahil live na kami nagsasagot at excited at the same time kasi last round na at natuwa ako sa suporta ng coach, teachers and classmate ko kaya na enjoy ko pa din at ginawa ko ang best ko sa pagsasagot. Hindi man nakuha ang pagiging kampiyon, masaya pa din dahil nakaabot ako at nairepresenta ang aking paaralan sa huling bahagi ng patimpalak,” ayon kay Tyron Gerald Luna, mag-aaral ng STEM 11-C.
Matapos ang ika-apat na sigwada ng naturang “battle of knowledge,” sina Lanting at Luna na lamang ang natirang mga kinatawan mula sa Rehiyon III at mula sa Dibisyon ng Bataan.
"Sa pagsali ko sa patimpalak na ito, ‘di ko inasahang aabot ako hanggang Round 4 sapagkat napakaraming kalahok na aming makakalaban. Ngunit sa tulong ng aming coach sa pagsasanay sa amin pati na rin sa walang sawang pagsuporta ng aming mga guro, kamag-aral, at mga kaibigan, hindi naging imposible na kami ay makapasok hanggang sa Round 4. Para naman sa Round 5, ang ikahuling bahagi ng paligsahan, lubos ang pagkakaba sa kadahilanang kami ay mapapanuod ng live habang nagsasagot. Kahit na kami ay nabigo na makamtan ang pagkapanalo labis-labis pa rin ang aking pasasalamat sa lahat ng tumulong at sumuporta sa amin hanggang dulo," saad ni Adrian Lanting, mula rin sa STEM 11-C.
Nangibabaw naman si Mary Grace Borja, mag-aaral ng STEM 11-A, pagkatapos ng ikatlong round ng kompetisyon, samantalang ang mag-aaral ng STEM 11-A na si Kim Cherie Garcia ay pumangatlo, habang si Luna naman ay nagtapos sa pang-apat na puwesto, at si Lanting ay nakamit ang ika-limang ranggo.
Pinatumba ng apat ang 183 iba pang kalahok na Grade 11 sa buong kapuluan.
"For me kasi you don't need so much talent and gift, you just need determination yun rin kasi mantra ko dahil di naman ako exceptional eh pero I managed to achieve my dreams through hard works. Nakikita ko din mga and improvement nila sa pag employ ng strategy kasi ultimo types of questions inaaral namin yung mga pwedeng lumabas and paano masasagot ng mas mabilis at mas mataas ang scores nila so di na rin ako nagulat na makarating sila hanggang finals,” paliwanag ni Bb. Cecille Delgado, ang gurong tagapagsanay nina Borja, Garcia, Lanting at Luna.
“Always pray lang din and kahit may temptations nung mga unang rounds to do something that is out of the rule alam nila yun na di namin yun tinake, all along it is them na nagsasagot kaya pagdating sa last rounds kung saan mas mahigpit na ang labanan mas madali silang nakaungos kays honesty is still the best policy," dagdag pa ni Delgado.
Samantala, bukod kina Borja, Garcia, Luna at Lanting ng Grade 11, ang iba pang manlalahok na nakaabot ng ikatlong round matapos ang pakikipagpatintero sa dalawang naunang rounds ay sina: Mark Rainier Pador, Frealle Prado, Rianne Carson Borlagdan, Roneline Lizada, Dave Patrick Caberto, ng STEM 11-C. Samantala, ang mga Grade 12 Round 3 qualifiers naman ay sina Kristal Mae Fernando, Christian Carl Encio at Rainiel Salandanan, mga mag-aaral ng STEM 12-A.
Comments