Hindi nagpasindak ang fourth-seeded Limay District matapos nitong walisin ang twice-to-beat na bentaheng bitbit ng frontrunner Mariveles District sa semi-final round ng 1st DepEd Bataan Mobile Legends: Bang Bang E-Sports Tournament, noong Biyernes, ika-3 ng Disyembre, na ginanap online.

Dominante ang naging entrada ng team Mariveles tangan ang liderato sa puwestuhan subalit nagbago ang ihip ng hangin nang masilat ng dark horse DepEd-Limay ang game one ng best of five series, 3-1, at patikimin ng unang talo ang ML team ng Veles.
Sa magkaparehong araw, matapos ang dominanteng Game one, hindi na pinagbigyan pa at tuluyan nang winakasan ng team DepEd-Limay ang kampanya ng top-seeded Mariveles sa Game two, 3-0, upang masemento ang isa sa dalawang puwesto sa championship round.
Binubuo ng mga kaguruan mula distrito ng Limay ang naturang koponan na kinabibilangan nina G. Aldrin Espirida ng Limay Senior High School, G. Jayson Mangune at G. Ody Lavarias na pareho namang mula sa Limay National High School.
Kabilang din sa five-man line-up sina G. Alvir Cruz at G. Rjay dela Cruz, dalawang guro na nagmula naman sa Lamao Senior High School.
Sa kabilang banda, tagumpay namang nalusutan ng Schools Division Office (SDO) of Bataan ang team Dinalupihan mula sa isang mahigpit na bakbakan, 3-2, sa kaparehong laro.
Mula sa kapos na kampanya, baba sa ikatlo at ikaapat na puwesto ang panig ng Dinalupihan at Mariveles, samantalang muling makikipagbakbakan para sa best of 7 championship match ang distrito ng Limay kontra SDO Bataan sa Biyernes, Disyembre 10.
“Preparation sa finals ay looking forward kami na maban yung comfort heroes ng SDO saka pinractice namin yung mas maging coordinated kami sa mga movements and decision makings namin. More on map awareness and fast response sa team mates,” saad ni Aldrin Esprida, manlalarong guro mula sa Limay SHS, ukol sa kanilang paghahanda para sa huling tapatan kontra DepEd-SDO Bataan.
Dahil sa pananalasa ng DepEd-Limay E-sports team sa semis ay nangibabaw ito sa team standings na may 6-1 kartada, sinundan sila ng DepEd-Bataan SDO sa ikalawang puwesto na sukbit ang 6-4 na rehistro, habang ang DepEd-Dinalupihan online gamers ay nagtapos sa ikatlong puwesto na nagtala ng 4-6 na record. Ang koponan ng Mariveles district ay sumadsad sa 1-6 na kartada sa semis na sumapat lamang para sa ikaapat na ranggo.
Comments