top of page

THE HARBINGER

THE OFFICIAL STUDENT PUBLICATION
LIMAY SENIOR HIGH SCHOOL
  • Facebook
  • YouTube

PAGSIPAT SA PANG-APAT: Athletics, dancesports, nanguna sa kampanya ng Pinas sa 31st SEAG

Writer's picture: Mark Rainier S. PadorMark Rainier S. Pador

Matapos ang 12 araw na tunggalian at paglaban ng mga atletang Pinoy upang maibandera ang Pilipinas sa ika-31 Southeast Asian Games, tagumpay na nakapagtala ang bansa ng kabuuang 226 na medalya, 52 ginto, 70 pilak, at 104 na pilak upang magtapos sa ikaapat na puwesto sa over-all medal race at maungusan ang Malaysia at Singapore.



Namayagpag sa pagkubra ng mga pinakamataas na karangalan ang mga atletang Pinoy mula sa gymnastics, athletics, at dancesport.


Nanguna sa pag-ani ng mga gintong medalya ang mga Pilipinong Olympians at World champions sa iba’t ibang larangan ng palakasan, samantalang nakapag-ambag din ang maraming atleta sa pamamagitan ng masidhing pagnanais na makabawi mula sa dating pagkabigo, ng kagustuhang makapagsimulang gumawa ng sariling pangalan napiling larangan, at ngpagdepensa sa kanilang mga titulong pinanghahawakan mula sa mga nakalipas na SEA Games.





Matic: Pinoy World Champs, Olympians

Tila ‘matic’ na ang pagbulsa ng mga medalya ng marami sa mga Pilipinong atletang nakilala sa mga prestihiyoso at pandaigdigang mga palaro at torneyo gaya ng Olympiada at World Championships dahil sa mga ipinakitang world-class performances sa kani-kanilang mga events.


Pinangunahan ni golden boy Caloy Yulo ang paghakot ng mga gintong medalya para sa bansa nang kaniyang makamit ang limang ginto, habang nakasilat din siya ng dalawang pilak (men’s team all-around at parallel bars) sa Vietnam SEA Games artistic gymnastics.


Nagtala ng 14.700 puntos sa Men's Vault Table at 13.867 sa Men's High Bar upang madagdagan ang kanyang unang tatlong ginto sa Men’s Still Ring, Horizontal Bar at Floor Exercise.


Sa boksing, tagumpay ring nasilat ni 2016 Rio de Janeiro Olympian Rogen Ladon ang ginto kontra sa host bet Tran Van Thao, 3-2, sa Men's 52kg.


Tila wala namang naging panama si Delio Mouzinho ng Timor Leste kay 2020 Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial nang walisin ang talaan sa Men's 75kg.


Wala ring puknat ang pamamayagpag nila Hidilyn Diaz, ang Tokyo 2020 Olympics gold medalist sa women’s weightlifting, at World no. 5 pole vaulter Ernest John Obiena sa kani-kanilang mga laban sa katatapos lang na SEA Games.


Bumuhat si Diaz ng kabuuang 206 kgs. mula sa SEAG record na 92 kgs. sa snatch at 114 kgs. naman sa clean and jerk upang manatiling reyna ng 55 kgs. dibisyon ng women’s weightlifting.


Walang katinag-tinag na pinagharian ni Obiena ang pole vault, kasama ang kababayang si Hockett delos Santos na naka-uwi ng pilak, sa pamamagitan ng 5.46 meters na naitalang iskor. Ito rin ang bumasag sa kanyang naitalang SEAG record na 5.45 meters noong nakaraang 2019 sa New Clark City Athletics Stadium.


Napasabak si 2020 Tokyo Olympian Kurt Barbosa sa Men's 54kg Kyorugi Taekwondo sa matagumpay na kampanya sa 31st SEA Games matapos niyang nagulangan si Thai taekwondo jin Panachai Jaijulla, 16-7, at maidepensa ang kanyang titulong nakamit noong 2019 edisyon ng Palaro sa Maynila.



Pagbawi at Pagresbak

Matapos ang 17 taong pagkagutom, muling naasinta ng Women's Recurve Team na binubuo nina Pia Elizabeth Bidaure, Monica Bidaure, at Nicole Amistoso ang ginto nang buwagin ang team Vietnam sa larangan ng archery.


Huling natamasa ng Pilipinas ang unang puwesto sa kategorya noon pang 2005 Manila SEA Games.


Strike for gold ang sinipat ni PH kegler Merwin Matheiu Tan sa Men's Singles Bowling na siyang bumura sa 11 taong pagkasalat sa gintong medalya sa naturang palakasan. Ang pinakahuling gintong parangal ng Pilipinas sa Men’s Single’s ay nakamtan ni Frederick Ong noo pang 2011 Jakarta, Indonesia SEA Games.


Sa boksing, dinomina rin ni Ian Clark Bautista ang 57kgs. category laban kay Burmese pug Naing Latt via unanimous decision, 5-0, upang masilat ang gintong medalya at makaahon mula sa tansong medalya na nakamtan sa Pilipinas noong 2019 SEAG.


Dako naman sa Muay Thai, magilas namang gumalaw sina Pinay artists Richein Yosorez at Islay Erika tungo sa ginintuang pagtatapos nang malamangan ang host country Vietnam sa Women's Waikru Mui Muay sa iskor na 8.68-8.56 upang makabawi mula sa silver medal finish noong huling edisyon ng SEA Games sa Pilipinas.



Patuloy sa Pamamayagpag

Dalawang araw bago pormal na wakasan ang naturang patimpalak sa rehiyon, nanguna sa kartada ng Women's Basketball ang Pinay 5x5 squad, dahilan upang maisukbit muli ang ginto.


Ito rin ang nagpaapula sa nagnagngangalit na mga Pinoy cage fans dahil sa pagkabigo ng Men’s 5x5 at 3x3 na makadagit ng ginto sa palakasan kung saan kilalang powerhouse ang bansa.


Dalawang Pinoy snooker naman ang nagtagisan sa Men's 9-Ball Pool Singles sa katauhan nina world champion Carlo Biado at Johann Chua. Tagumpay na naungusan ni Chua si Biado sa 15 matches, 9-6.


Pinangunahan naman ni two-time world champion at multiple SEA Games gold medalist Rubilen Amit ang delegasyon ng mga bilyaristang Pinay matapos magwagi sa Women's 8-Ball Pool Singles Finals laban kay Singaporean snooker Hui Ming Tan, 7-2.


Sa larangan ng pagtakbo, tila gabuhok lamang ang naging diperensya ni Pinay track and field athlete Kayla Anise Richardson sa Women's 100 Meters matapos magtala ng 11.60s, 0.02s at 0.06s na kalamangan sa katunggali.


Gayundin ay tagumpay ring nakawala si Fil-Am track and field athlete Eric Cray sa Men's 400m Hurdles at maisabit ang kaniyang ikalimang ginto sa naturang kategorya mula pa taong 2013.


Hindi naman nagpadapa para sa gintong medalya si Pinoy hurdler Clinton Kingsley Bautista nang pangunahan ang Men's 110m Hurdles at madepensahan ang puwesto noong nakaraang 2019 SEA Games.


Galawang ginto rin ang ipinakita ni Pinay taekwondo artist Jocel Lyn Ninobla sa Poomsae Women's Individual Recognized at maungusan ang host country bet, 7.765-7.649.


Sa dancesport naman, patuloy rin na umindak sa tagumpay sina Sean Mischa Aranar at Ana Leonila Manalo matapos pakyawin ang ginto sa Tango, Viennese Waltz, at All Five Dance upang makapag-ambag ng tatlong ginto sa koleksyon ng mga medalya para sa Pilipinas.


Ang tamabalang Aranar-Manalo din ang nagmamay-ari ng titulo sa tatlong nasabing kategorya ng dancesport simula pa noong 2019 SEA Games na ginanap sa New Clark City.


Sa kaparehong larangan, nakamit din nina Mark Jayson Gayon at Mary Joy Renigen ang unang puwesto sa Standard Slow Foxtrot upang mapanatili ang korona sa kanilang puder.


Bilang pahabol, mahusay na dininig ng inampalan ng Muay Thai sa Vietnam SEA Games ang naging protesta ni muay Philip Delarmino matapos ang dikit na pagkatalo sa pambato ng host country Vietnam Doan Long Nguyen sa Men's 57kg-Muay Thai na kalaunan ay iginawad ang panalo sa Pinoy fighter upang sementuhin ang pinakahuling gintong medalya ng Pilipinas sa naturang pangrehiyong palaro.



Tagumpay ng mga Bagong Sibol

Sa pamamagitan ng katatapos lang na SEAG sa Vietnam, naging maganda ang hinaharap ng Philippine Sports dahil sa pag-usbong ng mga bagong Pilipinong atletang pihadong titingilain at aabangan sa mga malalaking pandaigdigang kumpetisyon sa mga susunod na taon.


Sa patuloy na pag-usbong ng E-sports sa Pinas, tagumpay namang winalis ng mga kababaihang manlalaro ng bansa ang team Singapore, sa Women's League of Legends: Wildrift Finals 3-0.


Sina Charize Doble, Christine Natividad, Rose Ann Robles, Giana Llanes, April Sotto, and Angel Lozada ang bumubuo sa kauna-unahang koponang nagkampeon sa LOL Wildrift sa women’s event.


Samantala tila sumabay sa agos ng tagumpay si PH tanker Chloe Kennedy Isleta nang mabingwit nito ang ginto sa Women's 200m Backstroke. Si Isleta ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa larangan ng swimming ngayong ika-31 SEA Games.


Ang 2-time SEA Games medalist ay nagsimula lamang nitong 2019 edition kung saan nakapagtala siya ng 1 pilak at 1 tansong medalya, at agad na nakabawi sa nakaraang edisyon sa pamamagitan ng ginto sa 200m backstroke event.


Walang kahiraphirap namang binuhat ng 18 taong gulang mula Bohol na si Vanessa Sarno ang Pilipinas tungo sa gininutang tagumpay sa 71kgs. Women’s Weighlifting sa pamamagitan ng kanyang kamangha-manghang 104kgs. na binuhat sa snatch, 135kgs. sa clean and jerk, na may kabuuang bigat na 239kgs.


Lahat ng nabanggit na tatlong numerong inirehistro ni Sarno ay naitala bilang bagong SEA Games record sa nasabing palakasan.




14 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page