LSHS Men's V-ball, abante sa Prov'l Meet matapos dominahin ang Limay JHS
- Jhonwill Martinez
- Feb 1, 2023
- 2 min read
Matapos sumandal sa kanilang karanasan na sinabayan pa ng mabagsik na opensiba at depensa, pinadapa ng Limay SHS Spikers ang Limay National High School (JHS), 21-12 at 21-17, sa Men’s Volleyball finals ng 2023 DepEd-Limay District Meet upang tuluyang isilid sa bulsa ang titulo at ang tiket tungo sa Provincial Meet, St. Francis National High School, Enero 13.

Tangan ang apat na puntos mula sa 2 attacks,1 block at 1 service ace, binasag ng opposite hitter na si Jaspher Mabunay ang depensa ng white squad, sapat para umarangkada kaagad sa panimula ng ikalawang sigwada ng sagupaan.
Dagdag pa sa amabag ni Mabunay, nagposte din ng tig-dalawang puntos ang nagtatayugang middle blockers na si Jayruz Roque at Selwyric Rodrigo, dahilan para maakaalagwa sa kalamangan ang green squad, 8-4, at maikandado ang opensa ng Limay JHS sa ikalawang set ng laban.
Nagpakawala naman ng pamatay-sunog na crosscourt attack ang opposte hitter ng Limay NHS-Junior na si Nathaniel Roque dahilan para matapiyas sa dalawa ang kalamangan ng LSHS, 12-10, subalit hindi nagpatinag ang mga Seniors na masungkit ang titulo hangga’t sa tinapos ng Alangan pride na si Jules Silva ang tunggalian sa pamamagitan ng isang crosscourt shot.
Sa pambungad na set, nagbigay-daan para sa opensa ng Limay SHS ang mga pitik ng setter na si Mark Justine LaTorre, mag-aaral ng HUMSS 11, matapos kumamada ng 11 excellent sets na pangunahing rason upang lumobo sa walong puntos ang kalamangan ng Limay SHS, 17-9, bukod pa sa walong errors na binitiwan ng Limay JHS na siyang nagdulot upang makaalagwa ang Seniors.
Pinilit bumangon ang Limay JHS sa pagkakalugmok nang sumagot ng tatlong mala-sibat na crosscouurt attack ang team captain nito na si Nathaniel Roque upang makapagtayo ng 3-0 run, 17-12, ngunit tuluyang dinomina ng Limay SHS ang pagtatapos ng unang sigwada matapos rumesponde ito ng 5-0 run na siyang nagpapako sa Limay JHS sa 12 puntos, 21-12.
Muling makikipagbakbakan ang mga balibolista ng Limay SHS sa 2023 Provincial Meet na gaganapin sa Pebrero 8-10 sa Dinalupihan.
Comments