top of page

THE HARBINGER

THE OFFICIAL STUDENT PUBLICATION
LIMAY SENIOR HIGH SCHOOL
  • Facebook
  • YouTube

Pinas, wagi sa panimulang palaro ng 31st SEA Games; 4 na medalya, tiyak na

Writer's picture: Mark Rainier S. PadorMark Rainier S. Pador

Updated: May 10, 2022

Bagamat hindi pa pormal na binubuksan ang prestihiyosong 31st Southeast Asian Games, magandang pangitain agad para sa delegasyon ng Pilipinas ang naging resulta nang masungkit ang pambungad na mga medalya sa beach handball at muay tha i, samantalang nagkamal din ng panalo ang men's and women's football teams ng bansa na ginanap sa Quang Ninh, Vietnam, nitong Mayo 6-9.





Kahit pa may ilan nang nalagas na Pilipinong atleta sa kani-kanilang mga sporting event, hindi pa rin matatawaran ang ilan sa mga maagang tagumpay ng ating pamabansang koponan sa parehong individual at team sports.


Maagang Tagumpay


Isang maagang medalya ang inihatid ni Jean Claude Saclag nitong Linggo matapos nitong talunin ang mandirigma mula sa Laos, 3-0, sa 65 kg-Men’s Low Kick event ng Kick Boxing.


Lulusong sa semis ang ating pamabatong si Saclag na siguradong mag-uuwi ng medalya para sa Pilipinas.


Sinundan ang tagumpay ni Saclag ng 2 pang Pinoy kickboxers sa katauhan nila Honorio Banario Antonio at Emmanuel Dailay na parehong sigurado na sa tansong medalya sa kanilang pag-usad sa semis.


Dinomina ni Antonio ang katunggali mula Indonesia sa -71kg Men's Low Kick event, 3-0, gayundin si Dailay sa kanyang katapat mula sa Malaysia sa -60 kg Men's Low Kick event, 3-0.


Sa larong handball naman, angat ang Men's team ng Pilipinas sa ikaapat na laro nito nang malusutan ng pambansang koponan ang Thailand, 2-1, kahapon upang makapagtala ng 3-1 kartada at masemento ang pagkakataong makasungkit ng pilak o gintong medalya.


Sa mga naunang digmaan ng Men’s team ng bansa, nakabawi ito sa kanilang ikatlong laro nang mablangka nito ang Singapore, 2-0, nitong Linggo. Ito ay kasunod ng kanilang bigong pagtatangka kontra Vietnam noong Sabado kung saan nasadlak sila sa 0-2 na iskor sa pagtatapos ng laro.


Samantala, matapos ang dikit na duwelo kontra sa 2019 SEAG silver medalist team Thailand, wagi ang pambansang koponan sa men's beach handball, 2-0, nitong nakaraang Biyernes.


Parehong nagtapos ang dalawang dibisyon ng laro sa iskor na 18-16 at mailista ng Pilipinas ang unang panalo.


Hindi man gaanong sikat ang nasabing laro para sa mga Pinoy, isa itong tunggalian kung saan nahahawig sa pinaghalong basketbol at football ang tila nagiging takbo nito.


Sa football naman, nanaig ang lakas ng Pinay kickers U-23 kontra Cambodia sa pamamagitan ng rumaragasang opensa at mapaniil na depensa nito upang masimulan ang kanilang kampanya sa 5-0 panalo.


Umarangkada ang Filipinas sa ikalawang bahagi ng engkwentro kontra Cambodia dahil sa apat na goals na natumbok nito, kumpara sa isang goal lamang noong unang kalahati.


Sa men's division naman, itinindig ng ating Philippine U-23 football squad ang mabagsik na depensa sa field upang masakal ang opensa ng defending champions Vietnam at matabla ang iskor sa pagtatapos ng bakbakan.


Pabor ang naturang draw result para sa Azkals U23 dahil napanatili nito ang malinis na kartada, tangan ang isang panalo noong Sabado kontra Timor Leste.


Tagumpay ang naitala ng ating koponan sa pakikipagsagupaan nito kontra Timor Leste, 4-0, at manguna sa hanay A ng U-23 Men's Football na ginanap sa Viet Tri Stadium, Phu Tho, Vietnam.


Pagpito ng ika-sampung minuto agad na binulaga ni midfielder Christian Rontini ang Timor Leste sa isang headed goal. Pagpatak ng ika-55 minuto, muling nakakopo ang Azkals ng striking goal mula sa running attack ni Fil-German Dennis Chung.


Mula sa isang right footer goal ni Ilonggo pride Jovin Bedic, angat sa tatlo ang kalamangan ng Pinas pagpalo ng 78 minute mark. Makalipas ang tatlong minuto, isang strike goal naman mula kay midfielder Oskari Kekkonen ang pumasok dahilan para lumobo ang kalamangan at selyuhan ang panalo, 4-0.


Matatandaang bagsak lamang sa ika-anim na puwesto ang kartada ng Pilipinas sa larangan ng men's football noong nakaraang 2019 SEA Games at siya namang pinangunahan ng kasalukuyang host country Vietnam para sa kanilang ikalawang titulo.



Pagdepensa ng Korona


Sa ibang balita ukol sa palarong pangrehiyon ng Timog-Silangang Asya, ganap nang papasinayaan ang nalalapit na 31st Southeast Asian Games sa ika-12 ng Mayo at tatagal hanggang ika-23, na siyang pangungunahan at gaganapin sa MNy Dinh National Stadium, Hanoi, Vietnam.


Kabilang sa delegasyon ng bansa tinatayang 641 atletang Pilipino ang lalaban para sa karangalan na lalahukan ang 38 uri ng isports. Isa sa mga atleta ang naatasang magtangan ng bandila ng Pilipinas sa katauhan ni men's pole vaulter Ernest John Obiena, multiple medalists sa SEAG, Asian Championships, at isang Olympian na isa rin sa mga inaasahang mag-aambag ng gintong medalya para sa bansa.


Ilan din sa mga dapat abangan para sa gintong medalya ay sina Hidilyn Diaz, Carlos Yulo, PH boxing team, Margielyn Didal, Gilas Pilipinas ng basketball, at 2021 US Open 9-ball Pool champion Carlo Biado ng billiards.


Sa pangunguna ni chef de mission to the Games at one of the greatest PBA player Ramon Fernandez, inaasahang maganda ang maipapamalas ng mga manlalarong Pinoy sa paarating na kumpetisyon.


"Our athletes have prepared well for the SEA Games, and I trust that all of them will put in their best effort to deliver those medals," saad ni Fernandez.


"And as chef de mission, I will make sure that every athlete will be taken care of for them to perform their best," dagdag pa nito.


Kung babalikan ang 2019 SEA Games na pinangasiwaan ng Pilipinas, dominanteng performance ang ipinaramdam ng ating bansa na nagtala ng kabuuang 386 medalya at para tanghaling pangkabuuang kampeon. Pinangalawahan naman ng kasalukuyang host country Vietnam na nakadikwat naman ng 287 kung titignan ang dami ng ginto, at 318 para sa pumangatlong Thailand.


Maaaring ganitong istorya muli ang maging kaganapan ngunit siya namang nakamata ang karatig bansa para sa reigning defending overall SEA Games champs Philippines.

22 views0 comments

Comments


bottom of page