top of page

THE HARBINGER

THE OFFICIAL STUDENT PUBLICATION
LIMAY SENIOR HIGH SCHOOL
  • Facebook
  • YouTube

Kabataan, nasaan ka sa kanilang isipan?

Writer's picture: THE HARBINGER Limay SHSTHE HARBINGER Limay SHS

ni Alaiza Claire Orcena


Ilang araw nalang ay masisilayan ko na ang makukulay na ilaw Ilaw na dala ng paskong walang kasing saya ang hatid na pagpukaw Pagpukaw sa atensyon ng ilang nilalang na masayang magdiriwang. Habang ang ilang mga bata pa ang magtatrabaho para sa kanilang mga magulang.


"Ama, Ina, nasan ka na? Nagugutom ako't giniginaw Hindi makatayo, hindi makagalaw Saan ako pupunat? Kanina pa ko naliligaw! Nawalan na ng boses kakasigaw bakit hindi ko pa rin kayo matanaw! Ama, Ina nasan ka na? Madilim dito at sino sila? Hindi ko sila kilala!


Ayaw kong sumama sa kanila! Wag ninyo akong ipamigay, parang awa ninyo na!

Nangangatog ang mga tuhod na maglalakad sa gitna ng dilim kahit hindi na alam kung anong susundin. Alam kong hindi ako kaaya-ayang pagmasdan at pansinin. Takot akong lumapit at nahihiyang tumingin sapagkat baka sa unang pagbuka ng bibig ay "sakit" agad ang isipin.


Alam kong sa pandemya'y sabay tayong lumalangoy at inaanod sa dilim. Paano kami lalangoy nang hindi namin abot ang lalim? Paano kami hihingi ng tulong kung ayaw ninyo kaming dinggin?" Ilang panahon na ang nakalipas ngunit ayan parin ang patuloy na naririnig Mga hinaing ng mga inosenteng hindi nabiyayaan ng mabuting panig. Sawa na rin akong makarinig ng batang humihikbi habang ang ilan ay mahimbing na natutulog sa pagitan ng kanilang mga bisig Kailan magtatapos ang ganitong sandali? Kailan matitigil ang mga luhang matagal nilang tinitimpi O dadating pa nga ba ang panahong, sila naman ang mapipili?


Pakinggan nyo ang maliliit na tinig na may malaking malasakit! Mga bibig na di kailanman nagsinungaling at nakasakit. Pakinggan niyo at bigyan ng pansin bagamat mga boses ay ipit at pilit. Pakinggan niyo sapagkat malaman ang bawat salitang binabanggit. Maliit man ngunit malaki ang potensyal na kayang ibigay at masulit.


Hindi naman siguro maling ipaglaban ang mga musmos na ipinagkikibit balikat ang mga opinion. Mali bang maglakbay sa maling panahon? Mali bang balikan ang mga bagay na dapat nang nakabaon sa bingit ng kahapon? Mali bang ipaglaban ang bagay na matagal nang nalipasan ng tuon? O mali lang kase ayan ang dinidikta ng sitwasyon?


Ay mali, ibahin natin ang pagkwestyon! Baka kasi mali lang dahil, iyan ang suhestyon ng nakatatandang henerasyon, "Kabataan ang Pag- asa ng Bayan." Pilitin ko mang balikan ang nakaraan, hindi ko makita kung paanong paraan ito nasubukan.


Minsan na rin akong naging batang walang alam sa takbo ng isipan ng karamihan. Pilit na sumusunod sa alon kahit na hindi malaman kung anong pupuntahan.


"Takbo anak takbo, huwag kang magdahan-dahan! Sundan mo ang daan na aking sinimulan", ito ang tama, ito lang "daw" ang paraan.” Ipikit ang mga mata at wag nang mag-alinlangan. Sumunod ka sa ididikta nang lahat ng nakapaligid sa iyong dadaanan. Wala kang karapatang dumilat. Wala kang karapatang malaman ang katotohanan!"


Isang rosas na natanggalan ng tinik upang ipaglaban ang sarili. O anghel na tatanggalan ng pakpak upang di makalipad nang matayog at mawili.


Musmos pa nga bang matatawag kung maagang kumapit sa mahigpit na tali? Musmos pa nga bang matatawag ang potensyal na hindi magawang mapili? Tatakbo sa destinasyong hindi alam kung saan patutungo. Lalaban kahit na hindi na alam kung ano nga ba ang punto. Para saan pa ba ang pagbuka ng mga labi ko? Para saan nga ba ang pagpupumilit na imulat ang mata ng publiko?


Nais ko lang marinig nila ang sigaw na matagal nang naitago, mga iyak na matagal nang binibigo, mga opinyong nabulok sa pagitan ng isip at puso, at mga tinig na takot na lumabas sa maluwag na espasyo.


Hanggang kailan ba mag aalinlangan? Hanggang kailan magbubulagbulagan? Hanggang kailan ilalagay sa laylayan ang opinyon ng kabataan? Kailan hindi magiging "bastos" ang pagpapaliwanag na bibitawan? Ama, Ina, at mga kababayan, magiging totoo lang ang kasabihan na, "Kabataan ang Pag asa ng Bayan" kapag natutunan itong tanggapin ng lipunan.



Kuhang Larawan mula sa RAPPLER.COM


20 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page