Isang Pagtalakay sa Proyektong Reklamasyon sa Bayan ng Limay
9 At sinabi ng Dios, Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang katuyuan, at nagkagayon.
10 At tinawag ng Dios ang katuyuan na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag niyang mga Dagat: at nakita ng Dios na mabuti.
11 At sinabi ng Dios, Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kaniyang pagkakahoy, na taglay ang kaniyang binhi sa ibabaw ng lupa, at nagkagayon.
12 At ang lupa ay sinibulan ng damo, pananim na nagkakabinhi, ayon sa kaniyang pagkapananim, at ng punong kahoy na namumunga, na taglay ang kaniyang binhi, ayon sa kaniyang pagkakahoy, at nakita ng Dios na mabuti.
13 At nagkahapon at nagkaumaga ang ikatlong araw.
-Hango sa Genesis Kabanata 1, Talata 9-13

* * *
Sa pangatlong araw ng paglikha ay tinipon ng Diyos ang tubig sa isang dako, dahilan upang lumitaw ang lupa. Ang lupa ang siyang naging panirahan ng mga nilalang gaya ng mga hayop, halaman, puno at mga tao. Sa kabilang banda ay mayroon ding mga halaman at hayop na nabubuhay sa katubigan. Ang iba pang mga nilikha ng Diyos sa bawat araw ang nagpatingkad ng balanse sa kalikasan at natural na sistema upang masuportahan ang mga nilalang na may buhay.
Sa pagdaan ng panahon, umunlad ang kakayahan ng isang nilalang, ang tao, sa iba’t ibang larangan. Gaya ng Dakilang Lumikha, nagkamit din sila ng malawak na kakayahan sa paggawa mula sa mga bagay na nilikha ng Diyos. Ang layunin ng kanilang paggawa ay may dalawang mukha: ang suportahan ang mga nilalang na may buhay, o dili kaya’y hadlangan ang mga bagay na may layong makasama sa buhay.
Gaya ng Diyos, natuto rin ang mga tao na lumikha ng lupain sa katubigan sa pamamagitan ng pagtambak ng mga lupa, bato at ilan pang materyales. Laganap na nga ang ganitong gawi sa alinmang panig ng daigdig.
Sa Bayan ng Limay, may proyekto ang pamahalaang bayan sa pagkakaroon ng reklamasyon na sinimulan nitong unang bahagi ng kasalukuyang taon sa bahagi ng Villa Leonor sa Barangay Luz Kitang Dos. Ito ay naging usapin sa isang Facebook forum na ang mga miyembro ay mga mamamayan ng bayan. May mga tutol at may mga pabor. Lumitaw ang umpugan ng kapakinabangang hatid na hudyat ng pag-asenso at ang posibilidad na peligrong dulot ng naturang proyekto. Sa mata ng agham, ano nga ba ang nakikita nito?

Paghahanda sa Reklamasyon
Noong alas-diyes ng umaga, Pebrero 02, 2021 ay naaprubahan ang nasabing proyektong reklamasyon ukol sa ByPass road na gagawin na mula sa Bo. Luz hanggang Saint Francis II, Limay, Bataan nang magkaroon ng pagpupulong ang Sangguniang Bayan ng Limay na ginanap sa gusali ng Batasang Bayan.
Napagsang-ayunan dito ang paggamit ng limestone powder bilang backfilling materials sa gagawing reklamasyon na manggagaling at bibilhin sa Petron Corporation, Limay, Bataan. Kilala ang limestone powder bilang magandang backfilling material dahil sa mga katangiang taglay nito at sikat din lalo na sa mga underground construction projects. Ang Holcim cement, isang kilalang pangalan sa industriya ng semento, ay ibinahagi na ang kanilang produkto ay gumagamit ng clay at limestone na hinango sa kalikasan sa pamamagitan ng quarrying. Gayundin naman, nabanggit ni San Miguel Corporation (SMC) President and COO Ramon S. Ang sa isang pagpupulong noong 2017 kasama si dating Environment secretary Gina Lopez tungkol sa mga alegasyon ng noon environmental violations ng kumpanya, na ang limestone powder na nagmula sa oil refinery ay isang non-hazardous waste at siyang mateyales sa produksyon ng semento. Ang mga sobrang limestone powder ay ibinebenta ng naturang kumpanya sa mga kumpanya ng semento o dili kaya’y itatabi sa sarili nitong containment pond.
Malaking tulong ang hatid nito sa pagbawas ng mga gugugulin sa mga materyales na gagamitin. Ayon sa panayam ng The Harbinger sa 1Limay 1Bataan page, ang opisyal na Facebook page ng Lokal na Pamahalaan ng Limay, umabot sa Php 50 million ang natipid ng pamahalaang bayan sa paggamit ng limestone powder, na siya namang inilaan para sa libreng vaccine at iba pang mga pangangailangan ng mga mamamayan.
Ang Sangguniang Bayan ng Limay ay matibay na pinaniniwalaan at pinapanindigan na ang limestone powder na gagamitin ay sumunod sa mga patakarang nakaayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order (DAO) No. 2013-22 Revised Procedures and Standards for the Management of Hazardous Wastes.
Samantala, maraming mga proyektong reklamasyon ngayon ang nag-aabang, di lamang dito sa Limay kundi pati na rin sa iba’t ibang lugar dito sa Pilipinas. Ano nga ba ang reklamasyon? Ano ba ang magandang dulot na maihahatid nito sa isang bayan?

Ang Mukha ng Pag-asenso
Ang land reclamation ay ang proseso ng paglikha ng bagong lupain mula sa karagatan, riverbed, o kama ng lawa. Ito ay nagbibigay daan sa mga komprehesibong proyekto tulad na lamang ng mga sumusunod: pagtatayo o pagpapalawak ng mga daungan, paliparan, residensyal o di kaya’y mga komersyal na mga edipisyo. Ito rin ay isinasagawa upang ibalik sa ayos ang mga dalampasigan, baybayin pati na rin ang mga isla at maaaring maging natural na barrier sa mga tsunamis at storm surge.
Ang reklamasyon ay maaaring maghatid ng positibong epekto sa ekonomiya ng bansa. Ito ay nasabing napatunayan na sa mga bansa at lungsod tulad ng Singapore, Hong Kong, Manhattan, Tokyo, at Dubai sa pamamagitan ng pagpapalago nito ng kanilang mga ekonomiya at freeport zones.
Mapapansin na tipikal ang pag-asenso ng mga lugar na pinaglagakan ng mga proyektong may kaugnayan sa reklamasyon.
Sa pamamagitan din ng proyektong reklamasyon, makikita na mas mura ang patungkol sa reporma ng lupa sa kadahilanang ang mga proyekto ay itinatayo sa bagong lupa at ang isa pang magandang naidudulot nito ay malaya rin itong maidedesenyo. Kung ihahalintulad sa hindi reclaimed na lupa, marami ang mga papeles na dapat pang asikasuhin bago makapagpatayo ng mga gusali o di kaya’y bago maaprubahan ang mga proyekto.
Ilan sa mga malalaking proyektong reklamasyon na makikita sa iba’t ibang bansa ay ang mga sumusunod: Hong Kong International Airport, Odaiba Island sa Japan, Notre Dame Island sa Montreal (Quebec, Canada) at marami pang iba.
Sa Pilipinas, ang mga popular na reclaimed area ay ang tinatawag dati na “Bay Area” na proyekto ng administrasyon ng dating pangulong Ferdinand Marcos. Ang “Bay Area” sa kasalukuyan ay ang Mall Of Asia Complex sa Lungsod Pasay, ang 88-ektaryang Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex sa Lungsod Pasay din, ang Aseana City sa Paranaque na siya namang pook para sa mga malalaking negosyo (Central Business District), at ang Entertainment City sa Lungsod ng Paranaque din na siyang pugad ng mga malalaking hotels at casinos (City of Dreams, Solaire, Okada Manila). Sa Lungsod ng Maynila, ang pambansang daungan na north at south harbor ng Port of Manila ay reclaimed area. Ang Cebu South Road Property sa Lungsod ng Cebu ay isang proyektong reclamation sa labas ng Metro Manila.
May mga nakaamba ring mga malalaking land reclamation projects sa Pilipinas. May hindi bababa sa 19 na mga proyekto ang nasa proseso ayon sa Philippine Reclamation Authority (PRA). Kabilang na rito ang Horizon Manila Reclamation, The City of Pearl Reclamation Project, The Manila Waterfront City Reclamation Project, at marami pang iba. Bukod sa Maynila, mayroon ding nag-aabang ng reklamasyon sa iba pang parte ng bansa tulad ng sa Cavite at Cebu.
Ayon sa pahayag ng 1Limay 1Bataan sa Facebook posts nito patungkol sa inaprubahang proyektong reklamasyon, maraming kapakinabangan ang konstruksiyon ng karagdagang lupain dahil itatayo dito ang sports oval, skate park, biking area, walking area, zumba area, kids park at mga tindihan, bukod pa sa hatid nitong proteksyon laban sa mga naglalakihang mga alon kung may bagyo.
Sa kabila ng lahat ng mga magagandang bagay na ibinibigay ng reklamasyong ito sa kaunlaran ng bansa, ano naman kaya ang maaaring hinging kapalit nito?

Ang Mukha ng Peligro
Naging isang malaking usapin ang pagkakaroon ng maraming land reclamation projects sa Manila bay. Maraming mga pribadong business groups at mga ahensiya ng gobyerno ang nagtutulak sa pagkakaroon ng reklamasyon sa nasabing lugar upang palawakin ito dahil sa pagtaas na rin ng populasyon sa Metro Manila at karatig pook nito. Samantala, iba naman ang adbokasiya ng mga pangkat na maka-kalikasan.
Bilang negatibong epekto ng pagpapalawak ng lupain sa pamamagitan ng reklamasyon, ang mga naninirahan sa coastal communities sa paligid ng Manila Bay ay nahaharap sa maraming mga panganib, partikular sa panganib na dala ng lindol (e.g. liquefaction, tsunamis) at hydro-meteorological events (e.g., floods, storm surges).
Ang National Academy of Science and Technology, Philippines (NAST PHL), kasama ang OCEANA, ay nagsagawa ng Science Policy and Information Forum (SPIF) ukol sa “Marine Spatial Planning and Coastal Reclamation: A Focus on Manila Bay Area” noong 7 October 2020 sa pamamagitan ng Zoom webinar.
Mariing ipinahayag sa lecture ni Acd. Cesar L. Villanoy, miyembro ng Mathematical and Physical Sciences Division ng NAST PHL, na ang pangunahing suliranin pangkapaligiran ng pamosong look ay ang polusyon.
Ipinakita rin na ang tubig dito ay nanggagaling sa panig ng Cavite palabas sa Bataan at ang baybaying ito ay negatibong naaapektuhan dulot ng mga reklamasyon, kabilang ang obstruction ng littoral current, modification of wave propagation/energy dissipation patterns at pagbabago ng sistema sa drainage.
Ang sumunod naman na nagpahayag ay si Dr. Rene Rollon, Professor mula sa Institute of Environmental Science and Meteorology, University of the Philippines Diliman. Ipinakita niya ang mga magagandang naidudulot ng mangrove sa kalikasan kabilang dito ang: pagiging tahanan sa marine fisheries at wildlife; pagtulong sa kalinisan ng katubigan; pagprotekta sa coastline at coeastline communities; at bilang blue carbon ecosystems. Mahihinuha sa pahayag ni Dr. Rollon na kung patulloy ang reklamasyon, maaaring mawala ang mga bakawan na siyang natural na proteksyon sa mga daluyong aat tsunamis, bukod pa sa nakakatulong ito sa food supply dahil kinakanlong nito ang mga isda at mga lamang-dagat.
Ibinahagi rin niya ang pananaliksik ukol sa tinatayang lawak ng mangrove sa bansa. Sa kaso ng Manila Bay, ang orihinal na 93,000 ektarya ng mangrove ay tinatayang nabawasan ng 98%. Isang malaking dahilan ng pagkabawas nito ay ang mga proyektong reklamasyon.
Sa Gitnang Luzon, ang mga lugar na mayroon pang malaking bilang ng mangroves ay ang Bataan at Pampanga.
Isa pang higit na naaapektuhan ng reklamasyon ay ang marine environment at mga coral reefs. Ito ay ayon sa mga datos na ibinahagi ni Dr. John McManus, mula sa National Center for Coral Reef Research at the University of Miami.
Sa isang pagtitipon noong 2019 na tinawag na Second People’s Summit on the Impacts of Reclamation, ipinahayag ni Dr. Jay Batongbacal ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na ang reklamasyon ay magudulot ng pagbaha sa mga mababang lugar sa paligid ng Look ng Maynila, bukod pa sa may masamang epekto ito ang proyekto sa natural na daloy ng tubig.
Noong Marso 5, humingi ang The Harbinger sa Municipal Environment and Natural Resoruces Office (MENRO) ng panig nito ukol sa environmental compliance ng proyektong reklamasyon, subalit wala itong tugon. Gayundin naman ay sumang-ayon ang The Harbinger sa alok na panayam ng 1Limay 1Bataan page kay Punong-bayan Nelson C. David upang maliwanagan pa sa mga detalye at isyu ng naturang proyekto noong Marso 19, subalit wala pang tugon ang admin ng Facebook page ng pamahalaang bayan hinggil sa iskedyul ng panayam hanggang sa mga sandaling isinusulat at inilathala ang artikulong ito.
Sa pananaliksik ng The Harbinger, ayon sa itinakda ng Philippine Reclamation Authority, ang sinumang nagnanais na pasukin ang naturang proyekto ay nangangailangang makapasa muna sa ebalwasyon gamit ang ilang mga requirements. Ilan sa mga ito ay ang Resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan o Sangguniang Panglunsod na nagpapahayag ng walang pagtutol sa alinmang iminumungkahing proyektong reklamasyon, Feasibility Studies at final Environmental Impact Statement (EIS), Project Description at Initial Environmental Examination (IEE) checklist, Area Clearance at Environmental Compliance Certificate, Hydrodynamic Modeling, at detalyadong Engineering Design.
Dagdag pa sa mga nabanggit na kinakailangang isumite bago tanggapin ang alinmang iminumungkahing reklamasyon, saad din ng PRA sa pamamagitan ng Administrative Order no. 2019-4 ang pagkakaroon ng Reclamation and Development Plan na isinasaaalang-alang ang epekto ng proyekto sa iba’t ibang larangan, maging ang pagkakaroon ng konsultasyon sa publiko.
“Reclamation and Development Plan (RDP) shall refer to the plan crafted by PRA in coordination with the DENR, NEDA and affected Local Government Units, taking into consideration, environmental, social, and economic impacts of proposed reclamation projects. Such RDPs shall undergo public consultation and shall be consistent with the greater public interest.”
Malinaw na may kaakibat na peligro sa buhay at sa kalikasan ang proyektong reklamasyon kung kaya’t napakaraming dokumento at permiso ang dapat maisagawa ng mga nagbabalak pasukin nito upang masigurong hindi malalagay sa alanganin ang sinuman sa oras na umusad at maging ganap ang proyekto.
Ang Hakbang Patungo sa Tunay na Pag-asenso
Hindi lingid ang paglago ng karunungan ng tao lalo na sa panahon ngayon. Higit na naitatanyag ang mga karunungang ito kapag napapakinabangan at nagbibigay ng malaking tulong sa mga tao. Subalit, mahalaga pa ring maisaalang-alang ang kapakanan ng nakararami kung may mga plano mang ninanais na isakatuparan. Isa pang mahalagang isaalang-alang ay ang kalikasan na siya nating dapat na mas pinahahalagahan sa panahon ngayon. Ang pagkasira nito ay totoong nagdudulot ng mas malalaking mga suliranin na siyang lalong magpapahirap sa mga tao.
Nariyan ang Agham at mga eksperto rito na matagal nang katuwang ng mga tao sa mga pang araw-araw na pamumuhay at higit sa lahat, katuwang sa pagpapaunlad ng mga buhay nito. Hindi ba’t nararapat lamang na isangguni ang anumang mga plano rito? Maliban pa sa Agham, isa ring numerong unong dapat na sangkot sa mga ganitong proyekto ay ang mga mamamayan na maaapektuhan. Ang bawat opinyon ay mahalaga at tunay na maghahatid sa mas lalong malinaw at ligtas na mga plano.
Ang kooperasyon ng mga nabanggit ay isang malaking hakbang upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga tao at ang mga bagay na nakapaligid dito. Dahil kung babalikan natin ang layunin ng Dakilang Manlilikha, ang lahat ng bagay ay nilikha niya para sa kapakinabangan at ikabubuti ng mga tao. Nararapat lamang na italima natin ang ano mang ating ninanais sa layuning ito dahil higit sa lahat, tayo ay likha rin ng ating Diyos.
Mga Sanggunian:
Retrieved May 20, 2021 07:41 pm
Retrieved May 20, 2021 at 8:17 pm
Retrieved May 20, 2021 at 9:30 pm
Retrieved May 22, 2021 at 1:16 am
https://www.facebook.com/803234886743896/posts/1273302933070420/
Retrieved: May 23, 2021 at 4:31 pm
Retrieved April 27, 2021 at 8:46 pm
Retrieved April 27, 2021 at 8:24 pm
Retrieved April 27, 2021 at 7:45 pm

Kommentare