top of page

THE HARBINGER

THE OFFICIAL STUDENT PUBLICATION
LIMAY SENIOR HIGH SCHOOL
  • Facebook
  • YouTube

ISPORTS: Ginebra, nilasing ang Tropa sa PBA Finals Game 4, 98-88

Writer's picture: THE HARBINGER Limay SHSTHE HARBINGER Limay SHS

ni Mark Rainier Pador


Muling nagbunyi ang mga kabarangay matapos masungkit ng Barangay Ginebra San Miguel ang ikatlong panalo kontra TNT Tropang Giga sa Game 4 ng PBA Philippine Cup Finals, 98-88 na ginanap sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center, Pampanga, kagabi.


Nalalapit na sa rurok ng tagumpay ang Ginebra dahil isang panalo na lamang ang kanilang kinakailangan upang wakasan ang 13 taong bangungot ng mga bigong pagtatangka na makamtan ang inaasam na tropeyo sa torneyong All Filipino.


Pinangunahan ni Ginebra veteran L.A "Tenyente" Tenorio ang panalo matapos kumamada ng 22 puntos, kasama ang dalawang tres sa loob ng huling tatlong minuto ng bakbakan na naging dahilan upang maudlot ang tangkang paghabol ng Tropang Giga.


“Against Talk N Text team, we cannot afford again to be calm. Nung first 2 games, we recovered pero itong huli (Game 3), di na naming gawin yun this game. That’s our mindset going to this game (Game 4),” wika ni Tenorio tungkol sa mindset ng kanyang koponan sa kanilang huling laro.


Nag-ambag din sina Japeth Aguilar ng 22 puntos at Stanley Pringle na nagtala naman ng 16 puntos, kasama ang isang tres sa ikaapat na yugto ng laro, na nagpalobo ng kalamangan ng koponan.


Tila binuhat naman ni RR Pogoy ang TnT na bumakod ng 34 puntos kabilang ang back-to-back three-point shot na tumagpas sa kalamangan ng Gins, 88-85.


Kaagapay ni Pogoy sina Erram na may double double performance 19 puntos, 16 rebounds at Rosario na bumuslo ng 16 na puntos.


Naging balakid sa KaTropa ang pagkawala ni "The Blur" Jayson Castro na nagtamo ng severely hurt knee sa umpisa ng ikatlong sigwada mula sa isang attack to the basket play.


Muling magsasagupa ang dalawang koponan na magdidikta sa istorya, Miyerkules, ika-9 ng Disyembre, ganap na alas sais ng gabi.



32 views0 comments

コメント


bottom of page