Isang Pagsipat sa Buhay ng mga Limay SHS Archers sa Panahon ng Pandemya

Sipat dito, bitaw doon. Ang mga kilos na ito ang dumadaloy sa pang araw-araw na buhay nina Althea Mae Portelo at Melanie Manalansan, dalawa sa magigiting na mamamaná ng Limay Senior High School mula sa HUMSS 11-C. Sa kanilang matitikas na tindig, matitibay na bisig, naglalagablab na mata sa pagsipat, at matitinding ensayo, hindi maipagkakaila na asintado ang kanilang kakayanan na makapaghatid ng karangalan sa kanilang minamahal na paaralan mula sa mga kumpetisyon.
Matagumpay nilang nakopo ang pinagsama-samang siyam na ginto, walong pilak, at 13 tansong medalya sa Provincial Meet ng DepEd Bataan at pang-rehiyong paligsahan na Central Luzon Regional Athletics Association (CLRAA) Meet sa magkakasunod na taon noong sila ay nasa Junior High School.
Sa kanilang pagbabalik-tanaw ay sinariwa nila ang kani-kanilang mga pinagdaanan kaagapay ang kanilang dating tagasanay na si Ma. Glenda dela Fuente noong panahong sila ay nag-uumpisa pa lamang, apat na taon na ang nakaraan.
"Nagpapasalamat ako dahil napakagaling niyang coach. Napakamaalaga, napakasupportive [na coach]," pahayag ni Portelo.
Asam ng napakaraming atleta ang naabot ng dalawa. Hindi lingid sa kaalaman ng bawat manlalaro ang pakiramdam na katawanin ang pangalan ng bayan at probinsya, at kalaunan ay maghatid ng mga karangalan.
Ngunit sa pagkakataong ito, hindi umayon ang panahon. Imbis na makapag poste sa taunang Provincial at CLRAA Meets, tila isang solidong pader ang humarang sa hangarin nila Portelo at Manalansan, maging sa mga kapwa nila atleta. Natarget din ng pandemya ang larangan ng palakasan.
Sa unti-unting pag-usbong at pagkalat ng nakakahawang sakit na Covid-19 noong Enero at Pebrero ng 2020, bakas na sa mga mukha at bawat salita ng mga atleta ang lungkot at pasanin na kanilang susuungin.

"May mga pagsubok na dumating sa aming mga atleta tulad ng pahinto-hintong training dahil sa pagkalat ng virus. Lalo na noong malapit na ang laro namin na gaganapin sana sa Iba, Zambales", wika ni Portelo na lubos ang panghihinayang sa pagkakataong makapagbigay ng ningning sa paaralan at magpakitang gilas.
Matatandaang naunang ipinagpaliban ang pagdaraos ng CLRAA 2020 na dapat sana ay gaganapin noong Pebrero 22-28 sa Iba, Zambales at napagkasunduang ipagpatuloy sana sa Marso 22-28, subalit lumala ang pagkalat ng naturang nakakahawang virus kung kaya’t ipinag-utos ng pamahalaan ang lockdown sa buong bansa noong ika-16 ng Marso. Isinapinal naman ng Kagawaran ng Edukasyon na kanselahin na lamang ang ang ika-63 Palarong Pambansa na dapat sana ay idaraos sa Marikina noong Mayo 1-9.
Sa mga buwan noong 2020 na walang kasiguraduhan ang lahat sa mundong nilipol ng pandemya, hindi rin mawari ng mga atletang gaya nina Portelo at Manalansan kung babalik pa ba sila sa nakagawiang pagsasanay at paglahok sa mga kumpetisyon.
"Malaki yung mga challenges na dulot ng pandemic sa'ming mga atleta dahil hindi kami makapag ensayo nang maayos dahil limitado lang ang lugar at hindi ito sapat upang makapag ensayo kami para sa aming mga laro at sa pagpapanatili ng body conditioning," saad ni Manalansan kaugnay sa kaniyang naging hamon noong kasagsagan ng kawalang kasiguraduhan dala ng pandemya.
"Bilang atleta mahirap [din] talaga kapag hindi nakakapaglaro dahil nakasanayan mo na [ito] at hinahanap hanap na ng katawan mo. Kaya hindi talaga nakakatulong sa amin ang paghinto sa paglalaro dahil malaki ang posibilidad na mag-aadjust na naman dahil hindi tuloy-tuloy ang ensayo", dagdag pa ni Melanie na tila'y nangungulila na sa kanilang sandata.
Ngunit bilang isang manlalarong Pilipino, hindi naging balakid ang suliraning ito upang tumigil ang dalawa sa kanilang kasiyahan. Naging wais, naging maparaan.
"Nalampasan ko yung challenge na 'to pamamagitan ng paggamit ng mga bagay na nasa bahay o sa paligid na pwedeng gamitin sa pag eensayo", tugon ni Melanie na kanyang naging daan upang magpatuloy sa yapak na kanyang naumpisahan sa kabila ng pandemyang pinag-daraanan.
Sa kabila ng pagiging bakante sa mga ensayo at laro sa napiling larangan, puso at kahusayan ang umiral sa nangangambang isipan.
"Nag stretching ako ng bow para hindi mawala ang lakas ko kasi kapag hindi nakapag practice ng ganon nanghihina ako. Minsan nag pu-push up, one hand stand at iba pa basta ginagawa ko kung ano yung nakakapag palakas sa'kin", saad naman ni Althea.
Dedikasyon, katatagan, at pagiging maparaan, iyan ang kanilang naging puhunan upang ang pagsubok na ito ay malampasan. Patunay ang dalawang makikisig na mamamaná na kailanma'y hindi mabubuwag ng kahit ano ang puso ng Pilipino.
Hangad ng dalawa na muling manumbalik ang mundo sa dati nitong kulay, sa dati nitong ganda kung saan ang bawat isa'y malaya tulad ng kanilang mga nagbabagang pagpana.
"Ang hangad ko sana ay ang pagkuha ng ginto sa Palarong Pambansa kaso dumaan ang pandemya at hindi na nakapaglaro pa," panghihinayang ni Portelo.
"Hinahangad kong maibalik muli ang mga laro dahil bilang atleta ito lamang ang nakakapagpasaya o tumutulong sa akin na mas mahubog pa ang aking sarili at makipagkapwa-tao sa iba lalo na sa laro," pagbabahagi ni Melanie ng kanyang kahilingan bilang isang atletang sabik na muling sumabak sa paglalaro.
Nawa'y hindi sumagi sa isipan nina Althea at Melanie, at maging sa lahat ng manlalaro, ang pagsuko at patuloy na asintahin ang tagumpay sa kabila ng mga hamon sa buhay, gaya ng kasalukuyang krisis sa kalusugan. Kaunting tiis na lamang at muling manumbalik na ang sigla ng dugo ng mga atleta.
Atrasado man ang pagbitaw ng mga palaso, kasado pa rin naman ang dedikasyon, pagmamahal at pag-asa ng mga batang atleta sa kanilang napiling larangan.

Comments