top of page

THE HARBINGER

THE OFFICIAL STUDENT PUBLICATION
LIMAY SENIOR HIGH SCHOOL
  • Facebook
  • YouTube

EDITORYAL: Tiyakin ang Kaligtasan

  • Writer: THE HARBINGER Limay SHS
    THE HARBINGER Limay SHS
  • Nov 17, 2020
  • 3 min read

Updated: Dec 15, 2020

Higit sa lahat, ang kaligtasan ang nararapat siguruhin sa pagpapatuloy ng edukasyon.


Sa taong ito, nakararanas ang ating bansa ng napakabigat at seryosong suliranin. Ang hagupit ng Covid-19 ay nagdadala ng malalaking pinsala sa ating ekonomiya, sa trabaho ng napakaraming manggagawang Pilipino, at sa mga negosyo ng ating mga kababayan. Hindi rin nakaligtas sa bangis ng pandemya ang sektor ng edukasyon. Dalawang beses nang iniurong ang klase sa elementarya at sekundarya na nararapat sana ay noong Hunyo pa nagsimula gaya ng nakasanayan. Sa pagsisimula ng pasukan nitong Oktubre, mariing dapat bigyang prayoridad ang kaligtasan ng mga guro, kawani ng paaralan at mga magulang.


Iniudyok din ng ilang grupo at personalidad sa gobyerno ang pagpapalibang muli noong Agosto dahil sa isyu ng kahandaan ng Department of Education (DepEd). Ngayong sasapit na ang ika-5 ng Oktubre, maraming nagtatanong kung anong mangyayari sa darating na pasukan S.Y. 2020-2021.


Maraming nagprotesta at tutol ukol sa pagbubukas ng klase ngayong taon. Isa na rito ang 31 taong gulang na si Richelle Bacelisco. Nagsulat si Bacelisco ng isang 'open letter' sa DepEd. Nilalaman nito na hindi kailangang madaliin ang nasabing pagbubukas ng klase. Ang kanyang post na "Vaccine muna bago Eskwela" ay agarang sumikat sa social media at nakakuha ng 70,000 shares at humigit pa. Ang kanyang tinutukoy ay ang tinatawag ngayong 'academic freeze' o ang pansamantalang pagpapahinto sa pagbubukas ng klase.


Ginigiit naman naman ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) hindi lamang ang pagiging “anti-poor” ng pagbubukas ng klase sa gitna ng isang pandemya, kundi ang panganib na bunsod nito sa kalusugan. Ani ng SPARK, kung patuloy na tataas ang bilang ng Covid-19 patients mula noong ipinalabas ang General Community Quarantine, ano pa kaya ngayong magsisimula ang klase?


Bukod pa dito, isang 57 year-old na guro sa Metro, Manila ang nagbigay ng pahayag sa usaping ito. Ayon sa kanya, natatakot siya at hindi pa handa lalo na't mahigit tatlong daan ang kokolektahan niyang worksheets kada linggo. Nangangamba siya sa kanyang kaligtasan lalo na't walang kasiguraduhan na hindi naapektuhan ng virus and mga materyales na gagamitin. Hirit ng Teacher’s Dignity Coalition sa kanilang ‘”Notes and Recommendations from Teachers on the Resumption of School Year 2020-2021” ang kapakanan ng mga guro sa pagbubukas ng klase sa gitna ng pandemya gaya ng pagkakaloob ng benepisyong pangkalusugan, gadget, internet connection, pagbabawas ng workload, at marami pang iba.


Sa kabilang dako, nagpalabas ng pahayag si Secretary Leonor Magtolis Briones, Secretary of Education, na noong panahon ng giyera sa Marawi ang sigaw nila ay "edukasyon ay ipagpatuloy!" At ngayong krisis ukol sa Coronavirus ang sigaw ay ganon pa din.

Nakakasiguro sila na kahit anong desisyon ang kanilang maisagawa ay isasangalang-alang nila ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral, magulang, mga guro, at ng pangkalahatang publiko.


Sa ibang aspekto ng paghahanda upang maitawid ang pagbubukas ng klase ngayong taon, nagpamahagi ang ilang opisyal ng pamahalaan ng mga libreng laptop para sa mga guro at ang iba naman ay libreng tablet para sa mga mag-aaral upang hindi maging hadlang ang kawalan ng gamit-pangteknolohiya sa pag-aaral. Ang mga Lungsod ng Maynila, Quezon, Pasig at Makati ay nagpamahagi ng mga gadget sa mga mag-aaral at maging sa mga guro. Sa ating lalawigan naman, ilang bayan kasama ang Limay ang nag-isyu ng mga gadget bilang katuwang sa pagtugon ng kanilang tungkulin.


Nagsagawa ng solusyon ang pamahalaan ng Pilipinas at ang DepEd para naman sa mga walang sapat na kakayahan upang magkaroon ng gadgets. Ang pagbibigay ng modules o worksheets, na maaaring sagutan ng isang mag-aaral nang hindi na kinakailangang lumabas at nasa loob lamang ng tahanan. Ang mga nasabing worksheets ay magmumula sa mga guro na kukunin ng mga magulang sa paaralan.


Kasabay na rito ang pagsasaayos ng pasilidad ng bawat paaralan upang masiguro ang kalinisan at ang pagkakaroon ng mga hand sanitizers at infrared thermometer upang masiguro ang kaligtasan.


Mahirap man ang sitwasyon ngayon sa edukasyon, maurong man ito ng ilang ulit, ito ay magpapatuloy pa rin. Subalit kinakailangang tiyakin at isaalang-alang ng gobyerno at pamunuan ng DepEd ang kaligtasan ng mga mga magulang at mga guro. Ang kalusugan ng lahat ay non-negotiable. Nawa’y masusing pag-aralan pa at agarang tugunan ng pamahalaan ang mga kakulangan sa pagtitiyak ng proteksyon ng mga kawani ng DepEd at ng mga magulang. Higit kaninuman, ang estado ang numero unong may pananagutan dito.


Kalinisan at disiplina naman ay nararapat na panatilihin, sa paaralan man o maging sa tahanan, ng mga mamamayan sa pamayanang kinabibilangan ng paaralan bilang kontribusyon nila sa paglaban sa paglaganap ng nakamamatay na Covid-19.


Sa pagtutulungan ng pamahalaan, paaralan at mga mamamayan sa pagsisiguro ng kaligtasan, dito lamang tunay na maipagpapatuloy ang edukasyon sa gitna ng krisis.



Comments


bottom of page