Ang mga puno ng pamahalaan ay may tungkuling pangalagaan ang mga puno ng pamayanan.

Mapapansin na nakatakdang putulin ang mga puno sa kahabaan ng National Road na sakop ng Brgy. Townsite, Brgy. Landing, Brgy. Kitang 1 at Brgy. Luz upang bigyang daan ang proyektong road widening. Ayon sa ibinahaging ulat ng Young Bataenos for Environmental Advocacy Network (YOUNGBEAN) mula sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Limay, may 74 puno ang nakatakdang putulin ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ayon pa sa naturang tanggapan sa munisipyo, ang proyektong ito di umano ay mula sa pamahalaang nasyonal at hindi inisyatiba ng pamahalaang lokal.
Matatandaang ang pagpuputol ng mga puno ay talamak na gawain sa mga nagdaang taon upang magbigay daan sa pagpapalawak ng mga planta sa gawing Lamao, pagtatayo ng mga subdivisions sa Brgy. St. Francis 1 at Brgy. Duale, at road widening naman sa Roman Superhighway.
Bilang isang pangkabataan at pampaaralang organisasyon na mulat sa kagalingang panlipunan at nakikisangkot sa mga usaping bayan sa pamayanang kinaaaniban nito, kami ay nananawagan sa Pamahalaang Bayan ng Limay at sa mga sangkot na ahensya ng pambansang gobyerno na panatilihin ang mga punong buong tayog na nagsisilbing lilim sa mga dumaraang tao at mga sasakyan sa kahabaan ng National Road na kinasasakupan ng Barangay Townsite, Brgy. Landing, Brgy. Kitang 1 at Brgy. Luz Kitang II.
Proyekto man ito ng pambansang mga ahensya ng pamahalaan ayon sa MENRO, maaari namang makipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan upang ilatag ang mga hinaing at suhestyon ng mga mamamayan ukol sa naturang proyekto dahil nakasaad sa Kabanata III, Seksiyon 25 (A) ng Batas Republika 7160 (Local Government Code of the Philippines) ang partisipasyon ng lokal na pamahalaan sa pagpaplano at implementasyon ng mga proyekto sa mga pamayanan.
Gayundin sa kaparehas na Batas Republika, nakasaad sa Seksiyon 26 na dapat tiyakin ng pambansang pamahalaan na mabalanse ang ekolohiya sa mga proyekto nito.
Malaking panghihinayang ang aming nararamdaman sa maaaring kahihinatnan ng mga puno dahil ang mga ito ay mayayabong ang sanga na siyang natural na nagpapalamig ng temperatura sa tuwing masidhi ang tirik ang araw.
Hindi rin maipagkakaila ang kapakinabangan ng mga puno sa mitigasyon sa kalamidad. Ayon sa Purdue University, ang tubig-baha ay kinukuha ng mga ugat ng puno sa lupa at ibinabalik sa atmospera bilang water vapor, maliban pa sa pagsalo ng mga ito sa tubig-ulan gamit ang kanilang mga dahon at sanga. Hindi na dapat natin hintaying maging katulad ng Metro Manila at ng mga karatig nating lalalwigan sa Central Luzon ang Limay sa pagiging isang bayang walang humpay na nilulubog sa baha sa tuwing may darating na sakunang gaya nito. Hindi dapat tayo makampante na ligtas ang ating bayan sa baha dahil lamang tayo ay nasasadlak sa mataas na lugar.
Sa pamamagitan ng natural na siklo ng carbon absorption ng mga puno, mas kinakailangan ang mga itong mapanatili sa ating kapaligiran, lalo na sa gilid ng mga kalsada. Mula sa mga sasakyan at pabrika, binabawasan ng mga ito ang mga greenhouse gases na siyang dahilan ng global warming tulad ng nitrogen dioxide, carbon monoxide, sulfur dioxide, hydrocarbons, benzene, at formaldehyde. Ayon sa Arbor Day Foundation, natatapyasan ng higit-kumulang 21 kilo ang carbon dioxide sa ating atmospera sa loob ng isang taon sa tulong lamang ng isang puno. Samakatuwid, lubhang nangangailangan ang Limay ng mga punong magwawaksi sa polusyon sapagkat maraming pabrika at planta ang nagpapatakbo sa mga industriya sa ating bayan na dahilan ng paglaganap ng mga kemikal sa hangin.
Maliban pa sa mga pakinabang ng puno na nabanggit, kami po ay natatakot na mawala ang natural na gandang dulot ng mga puno sa ating mga lansangan. Sa matagal na panahon, kinasanayan na ng mga taga-Limay ang mga punong nakahilera kung sila ay pupunta o aalis ng town proper ng Limay.
Kaugnay ng aming apila ay buong kababaang loob kaming humihingi ng detalye kung ang mga punong maaapektuhan ng nasabing proyektong pambayan ay mapapalitan ng mga bagong puno. Batid nating lahat na sa lagay ng tumitinding klima, kailangan natin ng proteksyon sa matinding init at maging sa paglaban sa baha. Ang mga punong ipapalit ay pagtitiyak ng kaligtasan at kaginhawahan ng mga susunod na henerasyon ng mga mamamayang Limayan.
Sa puntong ito, narito ang aming suhestiyon sa naturang proyekto. Hindi mapagkakailang magiging kapaki-pakinabang sa mga mamamayan, partikular na sa larangan ng transportasyon, ang proyektong road widening. Subalit batid po naming nararapat balansehin at isaalang-alang ang iba pang mga salik sa pagkakaroon ng mas kapaki-pakinabang na proyektong hindi makakaapekto sa iba pang may buhay, gaya ng mga puno at ng mga taong umaasa dito.
Hangad namin na magkaroon ng maayos at maluwag na bangketa o sidewalks na siyang makakapaghandog ng makatao at makakalikasang pamamaraan ng transportasyon. Ang aming mungkahing ito ay maka-tao dahil mabibigyan ang mga mamamayan ng ibang pagpipilian ng ninanais na pamamaraang pangtransportasyon, bukod sa pagsakay sa mga sasakyan at mga motorsiklo. Kung ito ay maisasakatuparan, mararamdaman ng ibang mga tao na maaari silang maglakad, magjogging at magbisikleta sa bangketa dahil ito ay maluwag, maayos at ligtas para sa kanila. Maaari itong makatulong sa hinaharap ng suliranin sa trapiko. Naniniwala po kami na ang daan ay hindi lamang po para sa mga may sasakyan---ang daan ay para sa lahat ng tao anuman ang kanilang estado.
Makakalikasan din po ang aming mungkahing ito dahil hindi na kailangang magputol ng mga puno, gayundin ay mahihikayat ang mga mamamayan na mabawasan ang paggamit ng mga de-motor na sasakyan na siyang makakatulong sa pagbawas ng polusyon sa hangin na siyang sinasang-ayunan ng maraming pag-aaral sa larangan ng agham. Magsisilbing isang testamento rin ang proyektong ito ng isang kumportableng pamumuhay para mga mamamayan na hangad po ninyo bilang aming mga lingkod-bayan.
Bukod sa naturang mungkahi, nananawagan kami na magkaroon ng taunang mass tree planting sangkot ang ibaโt ibang mga sektor ng ating pamayanan. Kung taunan nating nagagawa ang coastal clean-up, tiyak na kaya din nating maisagawa ang taunang pagtatanim ng mga puno.
Samakatwid, mga mahal naming mga lingkod-bayan, hangad namin ang isang sustainable development. Hangad namin ang kaunlaran sa lahat ng aspekto ng ating pamumuhay dito sa ating bayan----sa imprastraktura, transportasyon, edukasyon, at maging sa kalikasan.
Hindi kailanman naging kalaban ang kalikasan. Huwad na kalutasan ang pagsakripisyo rito kapalit ng kaunting kaginhawahan.
Comments