
Ang paghubog sa kagandahang asal ng kabataan ay tungkulin ng mga magulang at maging ng paaralan.
Ilang araw bago magdiwang ng kaPaskuhan, dumagundong ang balitang pagpaslang ng pulis na si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya Gregorio, 52, at Frank Gregorio, 25, sa Paniqui, Tarlac. Ang nasabing karumaldumal na insidente ay nagsanga ng mga usapin gaya ng pagbuhay ng parusang bitay, kinakailangang paglilinis sa loob ng Pambansang Pulisya, responsableng pag-aari ng armas, ang di umano'y kabi-kabilang pagpatay na inuugnay ng ilan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, at may ilan pang iba. Ang lahat ng mga isyung ito ay nag-ugat sa ipinakita ni SMS Nuezca na kakulangan ng akmang asal para sa isang alagad ng batas na inaasahan sanang tangan ang mantra ng kinabibilangang hanay: honor, service at justice.
Hindi lang natuon sa mga nabanggit na usapin at sa asal ni SMS Nuezca ang atensyon ng nagagalit na mamamayan. Napansin din nila at ng mga netizens ang naging asta ng anak ng pulis na isang batang babae. Mapapansing hindi man lang nito pinigilan ang ama at tila wala man lang naging reaksyon nang pagbabarilin na ng kaniyang tatay ang mag-ina. Kapansin-pansin rin ang paraan ng pananalita ng batang babae na anak ng pulis na nagsasalita ng Ingles subalit tila nagkulang ito ng natutunang tamang asal at tamang paraan ng pakikipag-usap lalo na sa mga nakakatanda.
Ayon naman kay Florentino Gregorio, ang padre de pamilya ng mga biktima, nakikiusap siya na huwag ibash ang batang Nuezca sa social media dahil naiintindihan nila na hindi maayos na napalaki ito. Sa pahayag na ito ng nagdadalamhating si G. Gregorio, pagmulan nawa ito hindi lamang ng pagpreno ng ilan sa pagbubuhos ng galit sa bata bagkus ay ang pagpapaigting ng pagtuturo sa ating mga kabataan ng mga kaaya-ayang asal.
Sang-ayon kay G. Florentino, totoong hindi natin masisisi ang bata sapagkat ang mga magulang nito, higit kaninuman, ang may responsibilidad sa pagpapalaki at pagtuturo ng magandang asal. Kitang- kita naman sa video ang ugali ng ama na wala sa hulog kung kaya’t hindi natin mapigilang isipin na ito ang naituro at naipakita ni SMS Nuezca sa kanyang anak.
Dala ng kanyang pagiging bata, mahirap sisihin ang anak ni SMS Nuezca at pagbalingan ng nagpupuyos na galit ng marami. Hindi ba’t tinatawag natin ang mga bata na may ”murang gulang” dahil “mura” pa nga o hindi pa buo ang kinakailangang pagkalinang ng kanyang pagkatao? Kaya mali rin na sabihing “ang bunga ay hindi nalalayo sa puno” bilang paliwanag sa naipamalas na asal ng bata sa malagim na kaganapang yaon.
Sa kabilang banda, ang paaralan naman ang siyang may tungkuling magpayaman sa paghubog sa karakter ng ating mga kabataan. Bilang pangalawang tahanan at kung saan ang mga kabataan ay nasa pangangalaga ng itinuturing na pangalawang mga magulang, ang edukasyon ay may papel sa kaganapan ng aspektong moral ng ating mga mag-aaral.
Hindi na lumang usapin ang ginagampanang bahagi ng edukasyon sa paghubog ng karakter ng mga kabataan. Ilang reporma na rin ang isinagawa upang mapaibayo pa ang paglinang ng kanilang asal. Kamakailan lamang ay naipasa ang batas at nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Batas Republika bilang 114761 na ginawang institusyonado ang Good Manners and Right Conduct, o mas kilala bilang GMRC, sa mga mag-aaral na nasa una hanggang ikaanim na baitang, gayundin ang Values Education sa mga nasa ika-pito hanggang ika-sampung baitang. Kasabay rin sa layunin ng nabanggit na batas ang pagsasama ng values education sa mga aralin sa Senior High School. Nawa’y ang pagkilos na ito ng pamahalaan ay mapaigting pang lalo ang pagtuturo ng kabutihang asal sa mga Pilipinong mag-aaral upang maiwasan ang mga nakakabahalang insidente gaya ng kinasangkutan ng anak ni SMS Nuezca.
Ang pagpapaigting ng paaralan sa pagtuturo ng mabuting asal ay kulang kung walang kaparehong aksyon mula sa mga magulang. Gayundin naman, ang pagpapaigting ng mga magulang sa pagtuturo ng mabuting asal ay kulang kung walang kaparehong aksyon mula sa paaralan. Mahirap magtagumpay sa pagkilos kung iisang kamay lamang ang gumagawa. Mas bubuti ang kahihinatnan ng pagkilos kung dalawang kamay ang sangkot. Nasa kamay ng paaralan at ng mga magulang ang kalugod-lugod na pagkataong nais nating makamtan ng ating mga kabataan.
Kartung Editoryal ni: Rainiel Salandanan
Comments